Que Horror

Dahil malapit na ang November, magkwekwento ako ng mga nakakatakot. Katulad ko din ba kayong mahilig sa nakakatakot na mga libro at isa namang napakalaking duwag? Liban sa daga, multo at kung anu anong lamang lupa ang kinatatakutan ko.

Yung bahay namin dati, sabi nila maraming multo doon. Marami akong kakilala na nagsasabi na nakakatakot daw sa bahay namin. Para raw parating may nakatingin sa’yo. Siguro may mangilan ngilan akong naranasan noon, at may mga nag sleep over sa amin na may naikwekwento tungkol sa nakakatakot na karanasan nila sa bahay namin.

That Little Man

Natatandaan ko, mga hating gabi na ito. Galing si Mama sa isang house party. Mahilig kasi sila magparty noon dahil wala naman ngang masyadong libangan sa Bagac noon. Simple lang ang buhay doon, kaya uso noon ang house parties.

Nakatulog na si Mama ko non. Maya-maya, sumisipa si Mama na may kasamang saltik. Ganun kasi si Mama pag naiinis. “Tsk, tsk! Ano ba? Natutulog ako.” Tapos, tatagilid si Mama noon at hihilain ang kumot. Uulit muli yung ganong eksena. Sa inis ni Mama, napa-upo na sya. Akala daw nya ako o isa sa mga kapatid ko ang kumakalabit sa paa nya. Pero laking gulat nya sa nakita nya. Maliit na tao, tapos nakangiti sa kanya. May suot daw na sumbrero na ganun kay Santa Claus pero kulay green. Akala ni Mama noon, di totoo ang Dwende. Sumigaw si Mama noon at itinuturo nya pa kay Papa, “ayan, oh! Nakangiti!” Si Papa naman walang makita.

Ewan ko, di pa ako nakakakita ng Dwende eh. Pag pinapadescribe ko kay Mama, lagi nyang sinasabi na pangit daw yung itsura pero maliwanag daw at nakangiti sa kanya.

Trigonometry Exams
Highschool na ako nung naranasan ko ito. Lagi akong pagod sa byahe tuwing galing ako ng school. Sa Balanga City pa kasi ako nag-aaral non, 45 minutes ang byahe pauwi. Minsan, 12 AM na, di pa ako natatapos mag-aral. Ayaw ko naman mahilo sa byahe papasok ng school, kaya naman naisipan kong gumising ng 4 AM para magreview, tutal naman, isang subject na lang ang aaralin ko – Trigonometry.

Nagising ako ng 4 AM nun, tapos kinuha ko na yung notebook ko para magsolve ng mga problems. Sabi ko kasi noon, kunwari nag-eexam na ako. Habang nagsosolve ako, nalalaglag yung book ko sa Trigo kahit malayo naman sa akin at di ko ginagalaw. Edi ayaw ko maniwala kasi naman focused ako sa problem solving. Maya-maya, yung ballpen naman, pero ang nakakatakot dun yung naririnig ko na maliliit na takbo. Kahoy kasi yung flooring namin, kaya naririnig ko yung maliliit na yapak. Akala ko lang noon yung aso yun. Tuloy pa rin yung review ko. Nilaglag naman nya yung bag ko na mismo. Mabigat yung bag ko at malayo ako sa bag ko. Kahit ano pa ang isipin ko, may kasama akong di ko nakikita. Tatlong bagay ang nalaglag, ano ako tange? Dahil gusto kong pumasa sa exam, tinapangan ko na. Sabi ko, “sige guluhin mo ako, basta ba iperfect mo yung exam ko.” Aba ang hinayupak, tumakbo at rinig ko yung yapak papunta sa akin. Wala na akong pakealam noon. Basta tuloy tuloy akong nagreview.

After nun, naperfect ko nga ang exam sa Trigo. Di ko alam pero ang hula ko, dwende pa rin to.

Haplos

Madalas may party sa bahay namin. Yung di ko malilimutan dun na party eh, yung nakitulog yung co-teacher ni Mama. Noong gabi, ubo daw sya ng ubo. Doon sya natulog sa may sofa namin. Humarap sya sa sandalan ng sofa at di na nya kita yung salas namin. Parang inaatake na ng hika noon yung co-teacher ni Mama.

Kinaumagahan, nagkwento sya. Natigil daw yung ubo nya noong may humaplos sa likod nya na parang pinapakalma yung ubo nya. Eh, di naman kami yon.

Ang Babaeng Nakaitim
Yung Lola ko noong nabubuhay pa siya, sabi nila may third eye daw yun. Tuwing nagpapakwento ako kay Lola, puro multo. Isa sa mga kwento nya yung babaeng nakaitim.

Sabi nya, nag-pa albularyo daw sya. Madalas na kasing may nakakakita kay Lola ko noon na may nakasunod daw sa kanyang babae na nakaitim. Tuwing tinatanong daw sya kung sino yung kasama nyang babaeng nakaitim, nagtataka sya bakit laging iyon ang sinasabi ng mga tao, eh wala naman syang kasama. Basta pare-pareho sila, “Nay Tinay, sino yung kasama nyong nakaitim?”

Kung tama ang pagkakaalala ko, sabi ng albularyo sa kanya, may gusto daw kay Lolo ko yung babaeng nakasunod kay Lola.

Tumira ako ng isang taon kay Lola. May isang araw na sabi nya ang hapdi hapdi ng likod nya. Pag kita nila, may mga kalmot si Lola sa likod. Wala namang kakalmot kay Lola. Niloloko pa nga ng Tito ko, sabi baka sa banig lang daw, nagasgas. Sabi daw, nagseselos yung babaeng nakaitim.

Di ko alam kung paano ko isisingit to, pero sabi ni Lola, tinignan daw nya yung ilalim ng papag nila, at may isda doon! Di nila alam kung saan galing yung isda. Pero alam ko konektado to sa babaeng nakaitim.

My Lola’s 6th Sense
Noong namatay si Lola ko, natatakot ako. Alam ni Lola ko na takot ako sa multo. Naaalala ko kasi noon noong nakatira pa ako sa kanila ni Lolo, tinatakot ako ni Lolo. Namatay kasi yung Tita ko noon. Sabi ni Lolo, mamaya daw pag nagising ako ng 12 AM makikita ko may nakatayo o kaya daw hahawak na malamig sa paa ko. Loko loko Lolo ko e.

Pinagalitan ni Lola si Lolo ko nun. Sabi nya, “Ispe! Wag mo ngang takutin, kawawa naman gigising pa ng maaga yan.” Tapos habang nakahiga ako sa kama ko, naririnig ko si Lolo. “Em-Em, mamaya may makikita ka.” Natatawa ako sa pang-aasar ni Lolo hahaha. Pinagalitan ulit sya ni Lola.

Noong di pa namin alam na patay na ang Tita ko, inis na inis si Lola ko kasi nauubo sya sa amoy ng barnis. Lagi nya kaming tinatanong ni Lolo, “Ano ba yang kapitbahay nagbabarnis na naman!” Mamaya naman, amoy bulaklak daw. Tinatanong nya kami kung may naaamoy kami, eh wala naman talaga.

After 30 minutes, tumawag na si Mama sa amin. Ibinalita na patay na ang Tita ko na kapatid ni Papa. Siguro yun yung way nya para bisitahin ako kasi alam nyang di ako makakauwi at napakalayo ng Batangas sa La Union. Isa pa, may mga exams ako that time.

Dreams.

May mga oras na napapanaginipan ko ang Lola ko. Recently, noong birthday ko, may sinabi sya sa akin. Di ko lang talaga maalala. Pero last year, halos sabay sabay namin syang napanaginipan. Nagkaalaman lang na napanaginipan namin sya noong nagkakwentuhan na. Yung di ko malilimutan, eh yung dinalaw nya kami sa bahay sa panaginip ko.

Basta, tipikal na nasa bahay ako sa Bataan. Tapos bumaba sya sa tricycle. Nakaputi sya na maluwag na dress. Tapos mataba sya, maliwanag yung mukha. Tapos parang ang saya saya nya. Niyakap nya kami isa isa nila Cocoy at Moka. Sabi pa nga nya noon, “Si Mama mo?” Tapos sinabi ko daw na “Nasa choir po may practice.” Sabi ko pa nga noon, “Lola, I love you!” na never ko naman nasabi in person noong nabubuhay pa siya. Sa card ko lang nasasabi yung I love you.

Sabi ko, “di ba Lola, patay ka na?” Sabi naman ni Lola, “Oo, pero takot ka naman kaya dine na lang.”

Bigla daw lumabas si Gab. Cute na cute si Lola ko sa kanya. Hinalikan nya ng sobrang daming beses si Gab sa panaginip ko. Tinanong nya pa, “sino itong cute na batang to?”

“Si Gab po yan, anak ni Moca.”

“Ang pogi pogi naman ng batang ayre!”

Tapos sabi ni Lola, “sige Em-Em babye na.”

Nagising akong puno ng kaba sa dibdib ko. Pakiramdam ko, andito lang sya sa bahay namin. Pakiramdam ko, totoo lahat ng napanaginipan ko.

After 3 days, tumawag si Mama at naikwento ko nga sa kanya yung panaginip ko. Sabi nya, naku si Moca at Cocoy din napanaginapan si Lola mo.

Sa ngayon, ang pinakanakakatakot na nangyari ay ang pagkawala ng internet connection. Grabehan ito. Kakangawa ko sa asawa ko nang “gusto ko yung simpleng buhay natin dati, walang Net, walang TV, Radyo lang ang meron.” Ayan nga at itinodo na. Sira ang PC, walang mapanood sa TV dahil sira din ang external hard drive, at walang internet connection. Radyo na lang ang bet ko.

❤ 

Emsaymada
 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s